DAR natapos na ang P1-M solar-powered irrigation system sa Isabela
Magagamit na ang ipinatayong proyekto ng Department of Agrarian Reform sa Isabela, sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Reina Mercedes, pagkaraang matapos ang konstruksyon ng Solar Power Irrigation System (SPIS) sa Banquero, Reina Mercedes na nagkakahalaga ng P1-milyon.
Ayon kay Cagayan Valley Regional Director Samuel Solomero makikinabang ang 39 mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na kasapi ng Reina Mercedes Riverside Farmers Association (RMRFA).
“Ang proyektong ito ay magbibigay ng sapat na patubig sa humigit na limang ektaryang gulayan ng RMRFA. Ang sapat na patubig ay katumbas ng magandang ani. Mas maraming ani at kita para sa ating mga ARBs ay nangangahulugan na sila ay makakatulong rin sa pagseseguro sa suplay ng pagkain sa ating lalawigan,” ani Solomero.
Ayon kay Solomero, sa P1-milyong halaga ng proyekto, P 850,000.00 dito ay nagmula sa DAR, samantalang P150,000.00 naman ang naging kontribusyon ng LGU-Reina Mercedes para sa pagbabarena at paghahanda ng lupa.
“Ang proyektong ito ay naisakatuparan dahil na rin sa walang sawang paggabay ni DAR Secretary Brother John Castriciones sa aming opisina, at ganun din sa walang kapagurang pagpursige ni Provincial Agrarian Reform Officer II Eunomio Israel Jr., upang matulungan ang ating mga magsassakang-benepisyaryo na mabigyan ng mas malaking kita at mapa-angat ang kanilang mga pamumuhay,” ani Solomero.
Mga Komento