DAR ipapatupad ang “Buhay sa Gulay” project sa lalawigan ng Quirino
Ipapatupad ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Quirino ang proyektong “Buhay sa Gulay” pagkatapos nitong magsagawa ng site inspection at validation sa Tobias Farm, Maria Clara, sa bayan ng Diffun, upang palaganapin ang urban vegetable gardening sa lalawigan.
Ayon kay DAR-Cagayan Valley Regional Director Samuel Solomero ang nasabing proyekto, na isasagawa sa may kalahating ektaryang pag-aari ni Melchor Tobias, ay sang-ayon sa pananaw ng DAR na maseguro ang sapat na pagkain sa bawat sulok ng bansa.
“Isinusulong ni DAR Secretary Brother John Castriciones ang proyektong ito sa mga lungsod ng Metro Manila, ginagawa niyang gulayan ang mga nakatiwangwang na lupa at ginagabayan ang mga taong nasa paligid nito na taniman upang mayroon silang mapagkuhanan ng makakain at upang kumita rin kung ibebenta nila ang kanilang mga ani. Nararaparat lamang na sundan natin ang kanyang yapak sa lalawigang ito,” ani Solomero.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Jess Beth Quidasol, ang DAR, katuwang si Tobias at ang mga residente na kasali sa proyekto ay may usapan at plano na kung papaano isasagawa ang naturang proyekto.
“Sa panimulang hakbang, isasagawa natin ang proyekto sa kalahating ektarya at itatanim nila ang mga gulay na mabilis lumaki. Pagkatapos ng anihan, pauunlarin din ang ibang lupain at magdadagdag pa ng mga tao para magtanim. Maliban sa lugar na ito, may mga target na rin tayo sa ibang bayan upang ipatupad ang proyektong Buhay sa Gulay,” ani Quidasol.
Kasama rin sa validation at site inspection sina PARPO I Venilyn Mabunga, Chief Agrarian Reform Program Officer Mariano Antimano Jr. at iba pang DAR provincial office personnel.
PRESS RELEASE
Dept. of Agrarian Reform
Public Assistance and Media Relations Service
April 7, 2021
Ref: OIC-Dir. Marie Lomibao, Tel. No. 3456-25-81
Mga Komento