DAR tututukan ang pamamahagi ng mga pampublikong lupain sa Marawi
Idinaos ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang isang pulong konsultasyon sa Cagayan de Oro City, Marso 29-30, kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman upang maipamahagi ang mga nakatiwangwang na government-owned lands (GOLs) sa mga karapat-dapat at kwalipikadong magsasaka sa Marawi City.
Ang pamamahagi ng mga GOLs ay direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang land reform sa Marawi City, dahilan upang magsagawa ang DAR ng consultation meeting sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of National Defense (DND), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MAFAR-BARMM), Philippine National Police, local government of Lanao del Sur, Task Force Bangon Marawi, at Marawi State University.
Ayon kay DAR Secretary Brother John Castriciones, sa pamamagitan ng konsultasyong-pagpupulong ay maipapatupad ang pagsasagawa ng land survey at land reform sa Marawi kung saan apat na mga nakatiwangwang na malalaking lugar ang isasailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na kinabibilangan ng Camp Keithley, Mindanao State University, National Power Corporation at ang Provincial Capitol.
“Kung tayo na nandirito lahat ay nagkakaisa at nagnanais na mapabago ang katayuan ng mga taga-Marawi, makabubuo tayo ng isang malakas at nagkakaisang posisyon. Makagagawa tayo ng resolusyon na makapagpapabago sa Marawi at sasakupin natin ang mga lupain upang maipamigay ng legal at naaayon sa batas,” ani Brother John.
Binigyang diin rin ni Brother John na ang basehan upang maipamahagi ang GOLs ay ang Executive Order (EO) No. 75, Serye 2019, kung saan nakasaad na ang mga pampublikong lupain ay maaaring sakupin upang maipamigay sa mga benepisyaryo.
Ang Special Concerns Office (SCO) ng ahensiya, na pinamumunuan ni Undersecretary Carim Panumpang, ang nanguna sa pagsasagawa ng consultation meeting.
Ayon kay Panumpang ang aktibidad na ito ay naglalayong gawing lehitimo ang pagmamay-ari ng mga magsasaka sa mga lupain sa Marawi na nararapat lamang na matagal ng napasakanila dahil sa kanilang mga karapatan sa kanilang mga ninuno.
“Maaring mayroon tayong hindi napagkasunduang bagay sa pagpapatupad ng land reform sa mga lugar na nabanggit, iaakyat natin ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang forum upang agad itong maresolba,” ani Panumpang.
Nagpasalamat naman si MAFAR-BARMM Minister Mohammad Yacub sa pamahalaan dahil sa suportang ibinigay nito sa ahensiya.
“Nagpapasalamat kami sa suportang ibinigay sa atin ng pamahalaan. At ito ay naging posible dahil sa pagkakaroon ng “pusong-(maka)mamamayan” ng ating Pangulo at sa maayos na pakikipag-ugnayan sa ilalim ng liderato ni Secretary Castriciones,” ani Yacub.
DAR Secretary John Castriciones addresses the participants of the consultative meeting
The participating representatives of concerned government agencies
MAFAR Minister Mohammad Yacub giving his message to the consultative meeting participants.
Mga Komento