PAHALAGAHAN ANG ATING WIKANG PAMBANSA -KWF
MENSAHE
ni Tagapangulong Virgilio S. Almario
Pagtataas ng Watawat, Lungsod Maynila
29 Hulyo 2019
Sa kasaysayan ng pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika, ito na marahil ang unang pagkakataon na ipinagbubunyi din natin ang ating mga katutubong wika, hindi lámang ang wikang Filipino. Bakit natin ito ginagawa? Dahil nais nating pagpugayan at patunayan na mahalagang bahagi ng ating pagkabansa ang 130 katutubong wika sa Filipinas. Ito ang buong pagmamalaking ipinapahayag ng ating tema na Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.
Ang wika po kasi ang una at pangunahing pamanang pangkultura ng sangkatauhan. Ito ang nagbibigay artikulasyon sa ating nakaraan, sa ating kasaysayan ng mga tagumpay at pagkabigo. Nása wika ang yaman ng ating nakaraang hitik sa katutubong karunungan. Kung hindi natin ito aalagaan, manganganib ito; at kung pababayaan, maaari pang maglaho nang tuluyan. Kapag naglalaho ang isang wika, tila may isang tahanan o kamalig ng ating alaala at tradisyon ang mawawala at di na mababawi kailanman.
Ayaw nating mangyari ito.
Kayâ ang ating mga katutubong wika—mulang Ivatan hanggang Mandaya gaya ng nakita ninyo sa video kanina—ay niyayakap natin, niyayakap ng wikang pambansa upang matupad ang ating hangarin na makabuo ng isang wikang pambansa na tunay na ingklusibo. Kaya sa pamamagitan ng pag-ambag ng ating mga katutubong wika ay nais din nating tiyakin na mananatili itong masigla at ginagamit nang masigasig sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan.
Sumisimbolo ang ginawa nating pagtataas ng watawat sa ating panata na pangalagaan ang ating mga katutubong wika. Binibigyan táyo ngayon ng pagkakataon sa buong buwan ng Agosto na paglingkuran ang ating mga katutubong wika, pagkakataon para paglingkuran ang ating mga kababayan. Tulad ng ginawa nating “maagang” pagsisimula ng Buwan ng Wika, nawa’y mahigitan natin ang buwan ng Agosto sa pagpapamalas ng ating pag-ibig sa sariling wika. Dahil wala nang hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila sa pag-ibig sa sariling katutubong wika.
Muli, maligayang Buwan ng Wika sa inyong lahat.
Mga Komento